Meralco-MVP, ERC bantay sarado na sa palusot na kontrata

Naniniwala si Senador Sherwin Gatchalian na magkakaroon na rin ng transparency sa mga power supply agreement (PSA) na pinapasok ng mga distribution utility katulad ng Meralco ni Manuel V. Pangilinan at dumadaan sa pag-apruba ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Ito’y kasunod na rin ng desisyon ng Supreme Court (SC) kung saan ipinag-utos nito na magsagawa ng panibagong bidding sa lahat ng mga (PSA) na isinu­mite ng mga distribution utility mula noong Hunyo 30, 2015.

Sa pahayag ni Gatchalian, sinabi nito na batay sa datos ng ERC, mayroong 93 PSA na inihain sa ahensya mula Marso 23, 2016 hanggang Abril 29, 2016 na hindi dumaan sa bidding sa halip ay “bilaterally contracted”.

Mula sa 93 PSA, pito aniya rito ay sa Meralco na kinuwestiyon sa SC.

Sabi ni Gatchalian, dahil sa naging desisyon ng SC ay magkakaroon na rin ng transparency sa mga power supply contract dahil ipinag-utos ng Kataas-taasang Hukuman na kailangang sumailalim sa competitive selection process (CSP).

Maituturing aniya na tagumpay ito para sa mga consumer sa gitna na rin ng kawalan ng tiwala ng publiko sa mga sweetheart deal sa pagitan ng mga distribution utility at mga generating company. (Dang Samson-Garcia)