Meralco-MVP monopoly buwagin

Nanawagan kay Pangulong ­Rodrigo Duterte ang grupo ng mga militanteng mambabatas sa Kamara na silipin din ang power industry para mawakasan na ang pamamayagpag ng monopolyo ng Meralco na ginagawang ­hostage ang kanilang mga kostumer sa mataas na presyo ng kuryente.

Ayon kay House ­Deputy ­Minority Leader at Bayan Muna party-list Rep. Carlos ­Isagani ­Zarate, ilang dekada na rin ­ginagapos ang mga consumer sa banta ng mga oligarko sa ­power ­industry hinggil sa pagnipis ng power ­supply at pagkakaroon ng mga brownout kapag hindi ­itinaas ang presyo ng kuryente.

“The constant threat of ­thinning power supply and brownouts in ­exchange for higher ­power rates or more onerous power ­supply agreements has been the bane of consumers for decades now,” ani Zarate.

Sang-ayon umano sila sa ­sinasabi ni Energy Secretary ­Alfonso Cusi na ang mga yellow at red alert warnings ay sanhi na rin ng kakapusan ng suplay ng kur­yente at kinakailangang makapagtayo na ng mapagkukunan nito.

Gayunman, iginiit ni Zarate na mas maganda kung magkakaroon ng “comprehensive nationalized power plan” hinggil rito at ­kasama rito ang ­pagrebisa, ­pag-amyenda o ‘di kaya ay ­tuluyang pagpapawalang-bisa sa Electric ­Power Industry Reform Act (EPIRA) para ang gobyerno na ang ­gagawa ng energy plan at hindi iaasa na ­lamang sa kung ano ang nais mangyari ng mga oligarko sa ­sektor ng enerhiya.

Iginiit naman ni Bayan Muna chairman Neri Colmenares na dapat ipagbawal na ang cross-owner­ship ng mga generation at distribution company sa power industry.

Kailangan din aniya na ang mga generation company ang pumasan sa karagdagang gastos kapag nag-shutdown ang kanilang mga planta at hindi dapat ito ipinapasa sa mga consumer.

“Tama lang ito dahil sila naman talaga ang may kasalanan. May kontrata sila to deliver electricity to the public pero ‘di nila naibigay. Kung nasira ang boiler o anumang problema ‘yan, kargo nila dapat. ‘Wag nilang ikarga sa aming consumers. Ibig sabihin sila ang magbayad sa power shortage at resultang pagtaas ng presyo ng kuryente na sila rin naman ang may kagagawan,” pagdidiin pa ni Colmenares.

Tungkol naman sa EPIRA, ­sinabi ni Colmenares na pinapayagan ng nasabing batas na ang pagtaas ng presyo ng kuryente kapag mababa ang supply nito dahil sa pag-shutdown ng power plant.

Nagiging dahilan umano ito para kumita rin ng malaki ang mga generation company sa pamamagitan ng pag-shutdown sa ilan nilang power plan para magkaroon ng ­artificial supply shortage.

“Sila na nga may kasalanan ­kumita pa sila. Fair ba ‘yun?” ani Colmenares.