Pinatitigil ni ­Bayan Muna chairman Neri ­Colmenares sa Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) ang ginagawa diumanong pagluluto ng Meralco sa ­bidding nito para sa isang power supply agreement (PSA) sa isang kompanyang pag-aari rin nila.

Kinondena kahapon ni Colmenares ang pagtanggi ng Meralco na ­ayusin ang bidding nito para maging ­independent at hindi paboran ang ­Atimonan One Energy.

Giit ni Colmenares, nanalo na ang mga consumer sa Supreme Court nang iutos nito na ­dapat idaan sa matinong ­bidding ang mga power supply contract ng mga distribution utility tulad ng Meralco ni Manuel V. Pangilinan, dahil sa pamamagitan lamang ng independent at fair bidding mapabababa ang ­presyo ng kuryente.

Sa kabila nito, pinaya­gan anya ang Meralco na kontrolin ang bidding procedure at ito pa ang nag-appoint sa mga ­miyembro ng dapat sana ay independent Bids and Award Committee.

“If no independent bidding will take place, then it is as if no ­bidding took place, and we can again suffer from ­Meralco’s selection of its chosen yet expensive ­supplier,” ani Colmenares.

Inihalimbawa nito ang bidding ng Meralco para sa 1200 megawatt ‘greenfield’ supply contract.

“Meralco put in many absurd requirements in the bidding terms such as that the power plant of the winning bidder must not `achieve commercial operations’ earlier than March 2024.

Ayon kay Colmenares, sa Marso 2024 pa magkakaroon ng ­commercial operation ang Atimonan 1 samantalang may iba pang bidder na kayang magbigay ng mas maagang suplay ng ­kuryente pero na-disqualify sa ­bidding.

“This is highly suspicious…Bidding terms that are favorable to one bidder and disadvantageous to others practically negates the bidding and does not assure cheaper rates for the people,” ani Colmenares.

May kasalanan din anya ang DOE dahil ­binago nito ang sariling patakaran para payagan ang Meralco na kontrolin ang bidding.

Sabi ni Colmenares, kaduda-duda ang ­pag-amyenda ng DOE sa kanilang patakaran.

Batay anya sa 2015 rules ng DOE, nakasaad na dapat may DOE independent third party auctioneer na mangangasiwa sa bidding ng mga distribution utility. Pero binago umano ito ng DOE noong 2018 kung kaya’t naging ‘observer’ na lamang ang kagawaran at binigyan ang mga distribution utility na katulad ng Meralco ng full control sa bidding process.

Kinuwestyon din nito ang pag-sertipika ng Bids and Awards Committee ng Meralco sa isinagawa nitong bidding na sumunod umano sa itinakda ng batas samantalang ang DOE dapat ang maglalabas ng sertipikasyon alinsunod sa itinakda ng ERC.

Iginiit ni Colmenares na bawiin ng DOE ang 2018 rules nito at ­ibalik ang requirement na ­kailangang may indepen­dent third party na magsu-supervise sa bidding.

Hiningi ng Abante ang panig ng Meralco sa isyu ngunit hindi ito ­nagbigay ng pahayag. (Eileen Mencias)