Tumiba ng P12 bilyon ang Manila Electric Company sa unang anim na buwan ng taong ito, mas mataas ng pitong porsyento kumpara sa consolidated net income ng parehong panahon noong 2017.
Dahil sa laki ng kita ng Meralco, magpapamudmod ang kompanya ng cash dividend sa mga shareholder tulad ng Metro Pacific na pinamumunuan din ni Manuel V. Pangilinan.
Ipamimigay ng Meralco ang cash dividend na P5.311 per share sa mga shareholder nito sa September 24. Ang cash payout ay halos P6 bilyon, katumbas ng kalahati ng tiniba nito nung unang semestre ng taon.
Sabi ng Meralco, lumago ang consolidated revenues nito, o ang mga nasingil nito sa mga customer, ng pitong porsento sa P150.5 bilyon dahil sa dumami ang nabenta nitong kuryente. Ang pagmahal ng generation charge at ang paghina ng piso laban sa dolyar at mas mahal na kuryente sa wholesale electricity spot market ay isa pa sa mga nagpadami ng nasingil nito.
Kaugnay nito, nagbabala naman si Senador Win Gatchalian na magpapatuloy ang pagtaas ng bayarin sa kuryente ng mga consumer hanggang taong 2026 kung hindi pa gagamitin ng gobyerno ang Malampaya Fund bilang pambayad sa utang ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM).
Sa hearing ng Senate Committee on Energy, nabunyag na nasa P455 bilyon ang natitirang utang ng PSALM na minana pa sa naluging National Power Corporation