Nanawagan ang isang pambansang samahan ng mga electricity consumer sa Energy Regulatory Commission (ERC) na imbestigahan ang ginagawang paniningil ng Meralco ng P47 sa bawat kustomer nito na nagbabayad online ngayong panahon ng lockdown.

Sa isang liham sa ERC na may petsang Mayo 20, 2020, sinabi ni National Association of Electricity Consumers for Reforms Inc. (NASECORE) president at dating Energy Undersecretary Pete Ilagan na hindi dapat basta-basta magpapataw ng fee ang Meralco sa mga kustomer nito.

Ayon kay Ilagan, kung mag-iimbento ng bagong singilin ang Meralco, dapat naghain muna ito ng aplikasyon sa ERC at idinaan sa public hearing.

“Having failed to do that, Meralco is guilty of abuse of market power which is one of the most serious violations a public utility can commit against consumers and which the Commission is duty-bound to rectify and punish under the law,” sabi ni Ilagan.

Aniya, dehado ang mga kustomer ng Meralco dahil wala naman silang mapagpipilian na mapagkukuhanan ng kuryente.

Ayon sa liham, nakasaad sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) na trabaho ng ERC na bantayan at parusahan ang mga nag-aabuso na mga power company pati mga power distributor tulad ng Meralco.

Dagdag pa ni Ilagan, dapat ding panagutin ang Meralco sa pagsasantabi nito sa mga advisory ng ERC na may petsang Abril 15 at Mayo 5 na nagsasabing kailangang bigyan ng grace period ang mga kustomer para sa bill na may due date sa panahon ng lockdown at hindi dapat singilin ng interes, penalty at iba pang fees and charges.

Iniutos din aniya ng ERC sa Meralco na gawing installment o hulugan at apat na bigayan ang bayarin para sa kuryente sa panahon ng enhanced community quarantine at nung panahon ng ECQ.

Sabi pa ni Ilagan, pinagkaitan ng Meralco ng benepisyo ang mga kustomer na masigasis pang nagbabayad online samantalang hindi naman nila kailangan pang magbayad.

Panawagan din ni Ilagan sa ERC na ipa-refund sa Meralco ang mga kustomer na nagbayad online lalo na’t mas kailangan nila ng pera ngayon kaysa kailangan ng naturang kompanya ang pera.

Samantala, pinagpapaliwanag ng Department of Energy (DOE) ang Meralco kaugnay sa naturang transaction fee.

Nais malaman ng DOE kung bakit sinisingil pa ang mga kustomer ng P47 kapag nagbabayad ng kanilang bill sa Meralco online.

“It has come to our attention that Meralco has launched an app to handle monthly billing payments by your customers,” saad ni Energy Secretary Alfonso Cusi sa isang sulat noong Mayo 14 kay Meralco president Ray Espinosa.

Ani Cusi, nakatanggap sila ng mga ulat na inoobliga ng Meralco ang mga kustomer nito na magbayad ng bill sa Meralco app kung saan may transaction fee na P47.

Paliwanag naman ni Meralco senior vice president William Pamintuan sa ulat ng Inquirer, boluntaryo lang ang pagbabayad ng kustomer sa pamamagitan ng Meralco online.

Maliban aniya sa mga over-the-counter payment sa mga Meralco business center at iba’t ibang Bayad Center, maaaring magbayad ang kustomer ng kanilang bill online sa website at mobile app ng kanilang mga partner bank.

Dagdag niya, opsyon lang ang Meralco online na binuksan para sa hinaing ng mga kustomer nila na magkaroon ng 24/7 payment option.

Hindi rin umano napupunta sa kaban ng Meralco ang P47 fee at ang nagpapataw nito’y mga online payment service provider sa mga gumagamit ng kanilang platform o system para mag-transact ng online payment.

Sa kabila nito, pinagpapaliwanag ni Cusi ang kompanya ni Manuel V. Pangilinan hinggil sa bago nitong payment scheme.

“In this regard, we would like your company to explain to us immediately the rationale of your new payment scheme and confirm if the above information is correct and approved by management. Likewise, we would like to question your intentions on this and your decision to time the introduction of this new process during this pandemic,” dagdag ni Cusi. (Eileen Mencias/Issa Santiago)