Hinikayat ni Senador Win Gatchalian ang Manila Electric Company (Meralco) na gumawa ng hiwalay na bill na mas transparent at mas malinaw para kanilang mga consumer.

Ito sa gitna pa rin ng mga reklamo sa biglaang pagtaas ng kanilang electricity consumption para sa buwan ng Mayo.

Sa Joint Congressional Energy Commission hearing, kinastigo ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Energy ang Meralco na pag-aari ni Manny V. Pangilinan dahil sa pagkabigo nitong magbigay nang malinaw at sapat na impormasyon dahilan para maguluhan ang milyong mga consumer sa kanilang bill sa kuryente.

Sa nasabing ring pagdinig, sinabi ng Meralco na mababa pa sa isang porsiyento ng residential bills na natanggap nitong Mayo ang ibinase sa aktuwal na meter reading dahil istriktong quanrantine measures.

“Sa bill walang nakalagay na overestimate at underestimate at hindi kami nakakasiguro kung anong buwan ba nag-overestimate o nag-underestimate kayo sa computation ng bill,“ tanong ni Gatchalian sa Meralco.

Hiniling din nito sa Meralco na gumawa na hiwalay na bill na nagsasaad na overestimate at underestimate ng electricity bill ng mga consumer.

“Talagang malaki ang pagkukulang ng Meralco pagdating sa transparency. I totally agree to that because of this extraordinary computation, we need a separate bill to explain it properly,” sabi ni Garchalian.

“Hindi lang lalabas na isang bagsakan. Can we apply it to all utilities para hindi na magulat ang ating mga kababayan sa ibang lugar?” tanong pa nito.

Samantala, hindi rin nagustuhan ng senador ang ginawang pag-waive ng Meralco sa P47 na convenience fee para sa kanilang online bill payment sa panahon ng pandemya.

“Pwde naman palang tanggalin ang 47 pesos. Sana sinabi na nila nung una para hindi na nadagdagan pa ang stress ng mga mamamayan,” ayon pa kay Gatchalian. (Dindo Matining)