Sa final 2 minutes 43 seconds ay mukhang kakampay na sa panalo ang Meralco, pero may ibang plano pa pala ang Alaska.
Nagpasabog ng 10-0 run ang Aces sa stretch para itakas ang manipis na 81-79 panalo kontra Bolts sa PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum kagabi.
Tinablahan ng Alaska ang biktima sa 2-2.
“I just told the guys we had time,” bulalas ni Aces coach Alex Compton hinggil sa final salvo ng team. “What a time for Jayvee (Casio), RJ (Jazul) and Chris (Banchero) to step up, and Calvin (Abueva).”
Kumonekta ng magkasunod na 3-pointers sina Casio at Jazul, naglatag ng malagkit na depensa sa kabila ang Aces tampok ang hustle play ni Abueva, bago ibinaon ni Banchero ang go-ahead 3.
Hindi na nakaporma ang Bolts sa final 4 seconds.
Pinangunahan ng 22 points ni Vic Manuel ang Alaska. Tumapos ng tig-nine points sina Banchero, Abueva at Jaypee Mendoza.
Sa unang laro, balik sa win-column ang Blackwater nang pagdiskitahan ang NLEX, 96-85.
Naglista si Art dela Cruz ng 18 points sa Elite, nakabawi mula sa kambal na talo tungo sa 3-2 overall matapos ang franchise-best 2-0 start. Nagdagdag ng 16 si Kyle Pascual, may 13 si Ronjay Buenafe at 11 kay James Sena.
Sa pitong paghaharap ay kinubra ng Blackwater ang unang panalo kontra Road Warriors.
Pinangunahan ng 23 points ni Carlo Lastimosa ang NLEX bago na-eject 2:35 pa sa laro sa pangalawa niyang technical foul.