“Tatlong linggo na pong walang NFA rice na dumarating dito!” Yan naman ang pagmamaktol na pahayag ng isang retailer ng NFA rice sa Pasig Mega Market. Hindi lang sa Pasig kundi maging sa iba pang lungsod sa Metro Manila ay hindi rin nararating ng NFA rice. “Kung dumating man, minsanan. At pag dumating, nauubos kaagad”, dagdag pa ng isang tindera ng bigas.
Salat sa mura pero dekalidad na bigas ang natatanggap ng mga Pilipino sa nakalipas na walong buwan. Kaya kapag dumating sa pamilihan, nauubos kaagad ang bigas ng gobyerno. Ito ay taliwas sa mga naunang pahayag ng Department of Agriculture na babahain nila ng NFA rice ang merkado para mapilitang magbaba ng presyo ng commercial rice ang mga rice trader.
Matapos na mapabalita ang kakulangan ng bigas ng NFA, agad dumipensa si Secretary Manny Piñol sa mga puna. “Merong NFA rice. In fact, 45 days ang buffer stock ng bansa. At parating na ang 47 metriko toneladang imported rice na karagdagan. Wala tayong kakulangan. Ang problema lang ay hindi natin kayang bahain ng bigas ang merkado” dagdag pa ni Piñol.
Ano kamo ginoong kalihim? Eh ang sabi mo, babahain ninyo ang merkado ng murang bigas? Anyare?
Isa lang po ang malinaw, lahat ng ipinangako ng gobyerno sa pamamagitan ni Secretary Piñol ay hindi natupad. Nirarasyon na nga lang ang bigas, wala pang maibigay. Nagsimulang rasyunan ng limang kilo ang bawat isang mamimili. Bumaba ng tatlo, ngayon limitado na lang sa dalawang kilo. Ang dinadahilan ng limitasyon, pati daw mayayaman NFA na ang binibili dahil sa ganda raw ng kalidad nito. Pambihira, hindi na kayo naubusan ng palusot!
Napapanahon ng palitan ng Pangulong Duterte ang mga taong nagpapatakbo ng kanyang programa ng pagkain. Kailangan natin ng seryosong mga tao na magsasaayos ng seryosong problemang ito.