MESSAGE SENT

Tinangkang sundutan ni Robert Bolick (8) ng San Beda si Ricci Rivero ng La Salle. Nagliyab si Bolick ng 27 points at ­tinalo ng Red Lions ang kanyang dating team na Green Archers, 82-80, sa FilOil Flying V Preseason Tournament kahapon. (Jhay Jalbuna)

Marahil ay may gustong patunayan si Robert Bolick kaya naging ganadong maglaro para tulungan ang reigning NCAA champion San Beda sa panalo kontra dati niyang­ team na La Salle, 82-80, kahapon sa FilOil Flying V ­Preseason ­Tournament sa The Arena sa San Juan.

Ipinakita ni Bolick kung ano ang kaya niyang gawin sa mga krusyal na sitwasyon, nagsalansan ng six points sa ­final 3 minutes ng laro tungo sa 27 points.

“Credit to this guy, he stepped up tonight because he wanted to prove something,” patungkol ni Red Lions coach Boyet Fernandez kay dating Green Archer guard Bolick.

Sinahugan pa ni PBA D-League Aspirants’ Cup MVP Bolick ng nine rebounds at six assists ang performance sa pangatlong sunod na panalo ng Beda, nakahugot pa ng tig-11 points sina Davon Potts, Ben Adamos at Javee Mocon.

Binaon ni Mocon ang panelyong tres nang hawakan ng Red Lions ang 82-76 bentahe 45 seconds na lang sa orasan.

Inamin ni Bolick na gusto niyang pinatunayan sa Season 79 UAAP champion La Salle na nagkamali sila sa desisyon na pakawalan siya.

“Siyempre, para sa akin, gusto ko patunayan na nagkamali sila na pinaalis ako,” ani Bolick.

Kasama si Bolick sa La Salle squad na champion ng UAAP 76, pero nabawasan ang playing time nito sa Season 77 nang mag-average ng 9.1 minutes per game.