Kaloka naman itong isang mestisang aktres. Hindi lahat ng gustong magpa­kuha ng picture na kasama siya ay pinagbibigyan niya.

Ayon sa isang reliable source, nu’ng minsang naimbitahan daw kasi itong si mestisang aktres sa isang kapistahan sa malayong probinsiya, nu’ng nasa bahay na raw siya ng mayor na kumuha sa kanya, ‘yung mga lumalapit sa kanya na gustong magpa-picture ay pinagbibigyan naman niya pero ‘yun nga lang, hindi lahat. Kapag ayaw niya nang magpa-picture, dedma na siya sa iba. Sinasabi niyang mamaya na lang, kahit wala naman siyang ginagawa, kausap niya lang naman ang kanyang alalay.

Eto na, nu’ng may isang teenager na lumapit sa kanya para magpa-picture/mag-selfie, tinanggihan niya rin ito. Pero ang hindi niya alam ay anak pala ito ng mayor. Hindi naman kasi nagpakilala ‘yung bagets na anak siya ng mayor, at wala ring nag-introduce rito sa mestisang aktres.

Nu’ng hindi pinagbigyan na magpa-picture, nagsumbong itong si bagets sa daddy niyang mayor. Agad namang nilapitan ni mayor si mestisang aktres, at sinabi na anak niya ‘yung gustong magpa-picture. Dialogue pa ng mayor, “Sana naman pinagbigyan mo ‘yung anak ko,” kuntodo hingi naman ng sorry si mestisang aktres kay mayor at sa anak nito. Sino si mestisang aktres? Mula siya sa angkan ng mga artista.