METRO COUNCILORS NEXT TARGET SA DRUGS

Hindi man kasali ang Metro Manila mayors sa narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte, pero sa antas umano ng konseho, maraming mga konsehal ng lungsod ang sangkot sa transaksyon ng ilegal na droga sa Kalakhang Maynila at ito umano ang kanilang tinatrabaho upang mabitag.

Ayon ito mismo kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Superintendent Oscar Albayalde.

At bukod umano sa mga city councilors ay meron ding mga sandamukal na opisyal ng barangay kabilang ang mga chairman na nasa listahan.

Sa panayam ng media sa Malacañang kahapon, inihayag ni Albayalde na may mga impormasyon na nakakarating sa kanila na may isa hanggang dalawang Metro Manila mayor­ ang umano’y nagkakanlong o protektor ng mga indibidwal na sangkot sa ope­rasyon ng ilegal na droga. Subalit hindi tinukoy ng opisyal kung sino ang naturang Metro mayors.

Nilinaw ng NCRPO chief na kung ang pag­babatayan ay ang narco-list ni Pangulong Duterte, walang metro mayors na kasali rito.

Wala naman umanong direktang papel ang mga pinaghihinalaang mayor sa operasyon, tulad ng pagbebenta o paggamit ng ilegal na droga. Ang tanging partisipasyon ng ilang alkalde ay ang pagiging coddler o pagtatakip sa ilegal na gawain ng ilang indibidwal na nag-o-operate sa kanilang nasasakupan.

Ngunit sa konseho, sinabi ni Albayalde na maraming mga konsehal at opisyal ng barangay ang sangkot sa transaksyon ng ilegal na droga sa Metro Manila.

“But barangay captains down, we have, ‘yung councilors. Of course, yes mga city councilors meron,” pagdiriin ni ­Albayalde.

“Doon sa original or doon sa list coming from the President, meron…and remember, here in Metro Manila, we have arrest barangay officials already involved in illegal drugs. So, it’s not far-fetched that there are still or there are more politicians probably barangay councilor or city councilors down are still involved in illegal drugs and some probably will just be involved in protection,” ani Albayalde.

Tiniyak pa nito na nagtatrabaho ang kanilang mga tauhan katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para mabi­tag ang mga konsehal at brgy. officials na sangkot sa transaksyon ng ilegal na droga sa Metro Manila.