Isinailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lockdown na tinawag ding ‘community quarantine’ ang buong Metro Manila upang maproteksyunan umano ang mga mamayan laban sa kumakalat na COVID-19.
Sa ginanap na public address kahapon sa Palasyo, inisa-isa ng Pangulo ang nabuong resolusyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na kanyang inaprubahan kung saan inutos ang extension ng class suspension hanggang Abril 12, 2020 sa lahat ng antas sa pribado at pampublikong paaralan.
IPinag-utos din ang barangay-wide quarantine sa isang lugar na may 2 o higit pang kaso ng COVID-19.
Ipinagbawal din ang biyahe sa mga eroplano at barko papasok at palabas ng Metro Manila simula Marso 15, 2020 hanggang Abril 14, 2020.
“Land, domestic air, and domestic sea travel to and from Metro Manila shall be suspended beginning March 15, 2020 and to end on April 14, 2020, subject to daily review by the Inter-Agency Task Force,” sabi pa ni Duterte sa kanyang public address.
Itinaas na rin sa Code Red Sub Level 2 dahil sa pautloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng Covid-19.
“Wag kayong masyadong mai-stress na parang hindi mo na magawa ang gusto mong gawin. Puwede pa rin pero may restrictions tayo,” sabi pa ni Duterte.
Gayunman, tuloy umano ang operasyon ng Mass Rail Transit (MRT), Light Rail Transit (LRT) at Philippine National Railways (PNR) subalit paiiralin ang social distancing upang maiwasang kumalat ang sakit.
Ibinawal ang lahat ng mass gathering at pagtitipon sa Metro Manila. Sinumang lalabag dito ay maaring maharap sa kaso at makulong.
Inatasan ng Pangulo ang PNP at AFP na sitahin ang sinumang lalabag sa mga ibinabang kautusan.
Binigyan din ng kapangyarihan ang mga barangay captain at mga guro sa pagpapatupad ng mga ibinabang kautusan ng gobyerno. Malinaw na sinabi ng Pangulo na hindi martial law ang kanyang ipinatutupad kundi para maiiwas ang mamamayan sa malaking banta ng coronavirus.
Nakiusap ang Pangulo sa lahat na sundin ang mga kautusan ng gobyerno dahil sa seryosong banta ng virus. (Prince Golez/Aileen Taliping)