Umpisa nang mararanasan ang matinding init at maalinsangang panahon kung saan kahapon naitala sa 35 degrees Celcius ang temperatura sa Metro Manila.

Nai-record ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang nasa­bing temperatura bandang alas-tres nang hapon sa Science Garden sa Quezon City.

Paliwanag ng Pagasa na dahil ito sa northeast monsoon o amihan na patuloy nang humihina, habang lumalakas ang easterlies na nararamdaman sa bansa.

“Ngayon ay unti-unti nang umiinit ang panahon dahil papalapit na tayo sa tag-init. At sa amihan season ay maaaring magtapos by average, kalagitnaan ng March at maaa­ring umabot ng April. Ito ‘yong nararanasan natin na humihina na ‘yong amihan,” paliwanag ni Pagasa weather forecaster ­Aldczar Aurelio.

Naitala sa Tuguegarao ang pinakamataas na 35°C, habang sa Zamboanga City ay 34°C.

Malabo na umanong makaranas ng malamig na panahon sa susu­nod na apat na araw ayon sa forecast sa kabila ng manaka-nakanang pag-uulan sa ilang lugar sa bansa.