Namumutiktik ng malalaking papremyo ang dalawang tayaan sa Metro Manila Turf Club, nabiya­yaan ng magagandang dibidendo ang nagsitama sa Winner-Take-All at Pick-6 events kamakailan.

May solo winner sa WTA noong Mayo 3 sa MetroTurf Racing Complex sa Malvar, Batangas. Mag-isa niyang naiuwi ang P2,339,050 matapos mapili ang lahat ng kaba­yong nagsipanalo sa pitong karera sa WTA event, dalawa rito ay dehado.

Maliit ang puhunan ng masuwerteng karerista, P1,500 lang ang investment niya na galing sa kanyang anak. Kinabukasan, isinama niya ang anak para kolektahin ang malaking panalo doon sa opisina ng MMTC sa Mandaluyong.

Apat ding mananaya ang nag-uwi ng malala­king premyo sa dalawang “exotic betting schemes.” Dalawa ay nanalo sa Pick-6 ng P305,053 bawat isa. Dalawa rin ang nanalo sa Pick-5 ng tig-P210,271.18.

Apat na araw bago ito, 13 mananaya ang nag-uwi ng tig-P1,012,710.60 nang mananalo sa WTA nang gabing ‘yun. Pinagkaguluhan ang WTA noon dahil sa double carry-over na P4.66-million.

Isa sa 13 nanalo ay jeepney driver na namuhunan ng P64 sa taya. Pinakiusapan pa niya ang teller sa pinuntahang OTB na punuan ang kulang niyang P2 para mabuo. Tiyak natuwa ang teller sa balatong ibinigay niya.

Isa pang nanalo rito na hindi nakapunta sa kanyang paboritong OTB dahil sa dami ng trabaho sa opisina, ginamit lang ang kanyang Metro FastBet, ang pinakabagong paraan para makataya sa MetroTurf racing gamit ang Android cellphone o anumang electronic gadget at merong Wi-Fi connection.

Napalundag siya sa tuwa nang makita kinabukasan ang resulta ng karera roon din sa kanyang Metro FastBet.

Ang Metro FastBet ay isang free app na secured at halos katulad na rin ng betting machine na mahahawakan at madadala kahit saan sa buong mundo basta’t may Wi-Fi connections.

Mapapanood na rin ngayon live ang karera sa MetroTurf Racing Complex sa pamamagitan ng livestreaming sa www/mmtc.com/livestream.

Ngayong weekend (Mayo 13 at 14), meron uling exciting na karerang inihanda ang MMTC, pinaka-highlight ang 4th leg ng Imported-Local Challenge Series sa Linggo.

Inaanyayahan kayo ng MMTC na bisitahin ang MetroTurf Racing Complex baka kayo na ang susunod na masuwerte!