Hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ng Makati Regional Trial Court (RTC) ang dayuhang miyembro ng Mexican Sinaloa Drug Cartel makaraang mapatunayang nagkasala sa kasong drug trafficking kahapon.

Sa 7-pahinang desisyon ni Makati RTC Judge Selma Palacio-Alaras ng Branch 63, inatasan din niya si Horacio Hernandez Herrera, 43, isang Mexican national na magbayad ng mula P500,000 hanggang P10 milyon makaraang mapatunayang nagkasala sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Nadakip si Herrera ng pinagsanib na puwersa ng PNP Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (AIDSOTF) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Enero 11, 2015 sa parking lot ng Berjaya Hotel sa Makati Avenue makaraang iabot sa nagpanggap ng poseur-buyer ang 2,000 gramo ng cocaine kapalit ng P12 milyong boodle money.

Makaraan ang 5-buwang pagdinig ng Department of Justice nakakita ng sapat na ebidensiya ang tagausig upang isampa sa korte ang usapin sa sala ni Judge Alaras.

Depensa naman ni Herrera, iligal ang pagkakadakip sa kanya ng mga awtoridad lalo na’t dinukot lamang siya upang kikilan ng malaking halaga.

Gayunman, mas higit na kinatigan ng korte ang mga matitibay na pruweba makaraang mabigo si Herrera na magsumite ng ebidensiyang magpapatunay na totoo ang kanyang akusasyon laban sa mga tauhan ng AIDSOTF at PDEA.

Ang Sinaloa Drug Cartel ay isang organisadong sindikato na nakaba-base sa Mexican state ng Sinaloa at ikinokonsidera ng United States Intelligence Community na pinakamakapangyarihang organisasyon ng droga sa buong mundo.