Tila hindi masyadong napapansin subalit naaabuso ang paggamit ng ambulansiya hindi lamang sa Metro Manila kundi sa mga lalawigan.
Ilang pagkakataong nasaksihan ko kung paano manggulang sa kalsada ang driver ng isang ambulansiya na todo pa ang patunog ng sirena pero wala naman palang dalang pasyente.
Hangad lamang ay mauna sa kalsada at hindi makaranas ng traffic.
Sa Metro Manila lamang, ilang ambulansiya ng ilang lungsod ang ginagawang excuse ang pagpapatunog ng sirena subalit wala naman palang emergency, bagkus ayaw lang makaranas ng traffic.
Dapat ipaalala sa mga local executive na ang paggamit ng ambulansiya ay prebilihiyo lang at hindi ito karapatan para maghari-harian sa lansangan.
Hindi rin dapat ginagawang service ang ambulansiya para panghakot ng mga empleyado at pagkatapos ay basta na lamang manghahawi ng mga sasakyan sa kalsada.
Dapat tutukan din ito ng Department of Health at kung kinakailangan ng re-orientation ay gawin para alam kung paano gamitin nang tama ang mga ambulansiya.
Isang bayan sa Tarlac ang walang pakundangan at ubod ng yabang na nanghawi ng mga sasakyan sa kalsada gamit ang sirena para lang hindi ma-traffic pero wala naman palang itatakbong pasyente. Ang laman ng ambulansiya ay mga tauhan ni mayor at ginawang service ito para makalusot sa matinding traffic.
Huwag ng hintayin na uminit pa ang ulo ni Presidente sa mga ganitong kaliit na bagay dahil kaya naman itong aksiyonan ng mga local executive sa kanilang level.
Disiplina, delicadeza at common sense ang dapat na pairalin ng mga humahawak na ambulansiya sa halip na panggugulang at kapal ng mukha.
Tandaan, madali na lang ngayon ang mapahiya at isang pindot lang, yari ka!