Mga anak na inabandona ang magulang parusahan – Ping

Isinusulong ngayon ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson ang isang panukala na naglalayong parusahan ang mga anak na nag-abandona sa kanilang mga may edad nang mga magulang.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 29 o Parents Welfare Act of 2019 na inihain ni Lacson, inoobliga ang mga anak na bigyan ng kinakailangang suporta ang kanilang mga magulang na may sakit at wala nang kakayahang maghanapbuhay.

“The proposed measure seeks to further strengthe­n filial responsibility and to make it a criminal offense in case of flagrant violation thereof,” sabi ni Lacson.

Sa kanyang panukala, ang mga magulang ay maaaring maghain ng petition for support sa korte para magpalabas ng support order sa kanilang mga anak na hindi nagbibigay ng suporta sa kanila.

Tutulungan ng Public Attorney’s Office ang mga magulang sa paghahain ng kanilang petisyon at walang kaukulang court fee.

Sa ilalim ng panukala, pagkakakulong ng isa hanggang anim na buwan o multang P100,000 ang parusang ipapataw sa mga anak na napatunayang hindi nagbibigay ng suporta sa kanilang mga magulang.

“Whoever, having the care or protection of a parent in need of support, leaves such parent in any place with the intention of wholly abandoning the latter shall be punished with imprisonment of six years to 10 years and a fine of not less than P300,000,” sabi ni Lacson sa kanyang panukala. (Dindo Matining)