Mga anak ng napatay sa Marawi, child warrior ngayon ng Maute leader

Mga anak ng napatay sa Marawi, child warrior ngayon ng Maute leader

Baguio City — Nananatiling nasa bisinidad ng Lanao del Sur ang nagsisilbing leader ng ISIS-Maute Terror Group sa nasabing lalawigan at patuloy na nagre-recruit ng mga child warrior upang sumapi sa kanilang grupo kung saan target nito ay mga anak ng mga nasawi sa Marawi siege.

Ito ang inihayag kahapon ni Col. Romeo Brawner, commander ng Joint Task Force Ranao sa panayam ng mga mamahayag sa ginanap na taunang Alumni Homecoming ng Philippine Military Academy (PMA).

Ayon kay Brawner, patuloy ang pagtugis ng tropa ng militar kay Abu Dar na siya na lamang natitirang leader ng Maute-ISIS sa Lanao area matapos na mapatay ang siyam na kasamahan ng mga ito. Dagdag pa ng opisyal na si Abu Dar ay maituturing na hardcore terrorist dahil bago umano nagsimulang maging terorista ang magkakapatid na Maute ay nauna na itong naging terorista.

Sinabi ni Brawner na pinangunahan ni Abu Dar ang pagbomba sa Iligan City at Cagayan de Oro bukod pa sa marami na umano itong napatay na sundalo at kristiyano.

“Siya ay isang hardcore terrorists kaya hindi tayo papayag na andiyan lang siya sa area at nagre-recruit ng bagong kasapi,” pahayag ni Brawner.

Base sa impormasyong nakuha ng Joint Task Force Ranao, patuloy ang pagre-recruit ng grupo ni Dar at pawang kabataan ang target ng recruitment na karamihan ay mga anak ng mga nasawi sa marawi siege. Napag-alaman na si Abu Dar ang nagre-recruit at nagsasanay sa mga child warrior na nagkaka edad mula 9 hanggang 15-anyos.