Mga artista ng Kapamilya pinatahimik sa franchise issue

Bukod sa mga opisyal ng ABS-CBN, kasama rin ang mga artista at talent ng TV network sa mga pagbabawalang magsalita sa sandaling katigan ng Korte Sup­rema ang gag order petition na inihain ni Solicitor General Jose Calida.

Inihayag ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa harap ng mga post at video ng mga artista ng ABS-CBN sa social media na nagpapahayag ng opinyon kaugnay sa kinakaharap na isyu ng tv network sa kanilang prangkisa.

Sinabi ni Panelo na kapag kinatigan ang gag order na hirit ng OSG, lahat ay pagbabawalang magsalita sa merito ng kaso, maliban lamang sa mga miyembro ng Kongreso kapag mayroong imbestigasyong ginagawa para rito.

“‘Pag gag order, ‘pag mayroong order, everybody is covered except for those things that I mentioned earlier, like members of the Congress, ‘pag meron silang Senate investigation,” ani Panelo.

Nilinaw ng kalihim na malayang makapagsalita ang mga talent at mga artista ng Channel 2 pero dapat isipin na maaari silang ma-contempt ng Supreme Court (SC) hinggil sa kuwestiyon sa franchise issue.

Samantala, pinagkokomento ng SC sa loob ng limang araw ang ABS-CBN kaugnay ng plea ni Solicitor General Jose Calida na mag-isyu ng gag order laban sa mga star at ibang partido sangkot sa kanyang quo warranto petition sa prangkisa ng network.

Sa naganap na SC en banc session, inatasan ang ABS-CBN Corp. at ABS-CBN Convergence Inc. na magkomento sa loob ng limang araw sa sandaling matanggap ang notice to comment sa very urgent motion for the issuance of gag order na inihain ni Calida.

Naniniwala naman ang National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) na gustong patahimikin ni Calida ang lahat ng tumututol sa ABS-CBN shutdown
“This is evident in Calida’s asking the high court to gag parties and persons acting on (ABS-CBN’s) behalf. With the clearly broad opposition to the shutdown and a Senate hearing on the issue co­ming up, we are calling Calida’s intention for what it is, the suppression of truth and the silencing of critical voices,” sabi ng NUJP. (Aileen Taliping/Juliet de Loza-Cudia)