Mga artistang na-scam, walang investment na madalian ang kita

abante-tonite-joel-cruz

Ngayong ang Lord of Scents Joel Cruz at iba pang artistang sangkot ay may kaso ng isinampa laban sa Brunei-based businesswoman na si Kathelyn Dupaya, bilang mga simpleng nilalang, ano ang mga aral na makukuha natin dito?

Huwag agad magtitiwala lalo na kung hindi mo pa ta­laga kilalang maiigi ang isang tao. Sina Cruz at iba pang artistang kasali sa kaguluhang ito, hindi ko alam ang kasaysayan kung paano nila nakilala si Ms. Dupaya. Kung bakit nakuha nito ang kanilang loob para ipamahagi ang kanilang mga iniingatang yaman para sa kung ano man ang investment offer ni Kathelyn, sila lamang ang makakasagot.

Sila ba ay lubhang mabait? Sila ba ay sadyang mapagtiwala? O masakit man basahin o pakinggan, sila ba ay nagpa-uto o talagang naging bulag, pipi at bingi sa mga sensyales o katotohanan na hindi kainamang business partner ang woman in question?

Minsan kung sino pa ang mamahaling magdamit, umaastang yayamanin, mahusay makipag-chikahan, kayang tignan ka mata sa mata, may matatamis na ngiti, may kung anong pang­halina sa kanilang aria at sinasabing ang investment mo ay ten folds agad ang balik, kwidaw ka na. Walang investment na over night or in a short matter of time, eh bonggang-bongga na agad ang balik sa iyo.

Be happy with you have, don’t be happy with what you want, pangalawang aral. Nauunawaan ko na sina Joel, Sunshine, Ynez, Dianne at iba pa, hindi madali ang ginawa nilang pag-iipon para may maitabing pera for their rainy days. Nasa katwiran na gusto nilang palakihin pa ito. Kaya lang hindi pa ba sapat ang kung anong meron na kayo at I want some more pa ang inyong mga motto?

Hindi businesswomen si Veneracion, Cruz at Medina, hindi mo rin naman masasabing multi-milyonarya na sila kaya hindi mo masisi ang kanilang nasa na palaguin pa ang kanilang yaman.

Ang nakakapagtaka eh ang kay Joel, he already has a perfume empire, bonggade­rang real estate properties, and three sets of adorable twins, ano pa ba ang kulang sa buhay niya at he wanted more pa?

Siksik, liglig at umaapaw na nga ang kaniyang kaban, kailangan pa ba talaga ang international expansion para sa kanyang perfume lines? Number one ka na sa Pilipinas, hindi ba dapat sobra-sobrang pasasalamat na at paying it forward sa less fortunate and economically disadvantaged ang iyong ginagawa?

Ang depression kayang pinagdaanan, dapat hindi nangyari kung pinaiiral niya ang kanyang kutob, talino at pagkatuso.

Magsaliksik, magmasid, pag-aralan ang lahat. Magsaliksik dahil pera at kabuhayan ang pinag-uusapan rito. Hindi maliit na halaga ang inyong mga pinakawalan. Kung sinaliksik niyong maiigi ang lahat ng aspekto tungkol sa babaeng ito, tiyak may mga malalaman kayong­ mga ilang mga quirks na makakapag-paisip sa inyo na ipagkatiwala ang inyong yaman sa kanya.

Magmasid, bago pa pumutok ang pangyayaring ito, may alegasyon na si Ms. Dupaya ang nagpakalat ng mapanirang balita patungkol kay Philippines’ 3rd Ms. Universe Pia Wurtzbach. Kung ang babaeng nagbigay ng national pride sa bansa natin, may mga pinakawalan siyang di kainamang mga kuwento, dapat hindi ito naikubli sa radar ng mga investors dahil ang pangyayari sa kanila ni Wurtzbach ay patotoong may personality issues ang Brunei based businesswoman.

Pag-aralan ang lahat, i-weigh ang lakas at kahinaan, ano ang gains at issues na kakaharapin bago ibigay at ipagkatiwala ang lahat.
Ngayong isinampa na ang demanda, abangan na lang an pagsagot ng legal counsel ni Ms. Dupaya.
***

Piolo, Dingdong at Martin magsasabong

Ang mga pelikulang Pilipinong Citizen Jake at So Connected, kumasa ba at lumaban sa Solo: A Star Wars Story sa takilya? Ang Pinoy critics at netizens, pawang papuri ang ibinigay sa Mike de Leon political drama at Jason Paul Laxamana millennial romance, sapat na para maenganyo ang mga manood na sila ang mas paboran at panoorin?

Ang Kasal na you either love it or hate it, hindi pa nagpatalo sa Dead Pool 2?

Sa May 30, tatlong pelikula ang magsasabong, Sid and Aya, Panahon ng Halimaw at Ang Misyon? May kasabay ba silang big Hollywood movie? Sapat na ba ang estrella powers nina Dingdong Dantes at Anne Curtis, Piolo Pascual at Shaina Magdayao at Martin Escudero para tapatan ang kung anuman ang pangmalakasang banyagang pelikula?