Sinisisi ngayon ng ilang mga pet owner ang tanggapan ng Dagupan City Veterinary Office (DCVO) hinggil sa pagkamatay ng kanilang alagang hayop dahil sa ibinigay umanong bakuna ng tanggapan.
Dahil naman sa daan-daan na ang namatay na mga aso at pusa, tinigil muna ng buong siyudad ng Dagupan City sa Pangasinan ang pagbibigay ng anti-rabies na bakuna sa mga ito.
Ayon kay DCVO assistant veterinarian officer Dr. Daniel Paolo Garcia, itinigil muna nila ang pagbabakuna dahil posibleng makasama pa sa mga ito ang bakuna lalo na kapag hindi alam ng mga pet owner na may sakit ang kanilang mga alaga.
Sinabi pa ni Garcia, nasa sampung maliliit na barangay pa lamang ang kanilang naikutan at sa susunod na buwan, nakatakdang bumalik ang kanilang programa sa oras na mawala na ang respiratory virus o infection na tumatama sa mga hayop.
Kaugnay nito, ayon naman sa DCVO source, tinitingnan na nila kung may problema o wala sa ibinibigay nilang anti-rabies vaccine para sa mga alagang aso at pusa.