Palaging tagasuporta sa parehas na laro at malinis na isports, binuksan ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William I. Ramirez kahapon ang Doping Control Officer Training Course sa Philippine International Conventioin Center sa Pasay na may panawagang “maging alerto sa mga isyu at regulasyon sa pagsawata sa bawal na gamot sa isports.”
Nangako rin si Ramirez sa ayuda ng PSC sa pagsisikap ng Philippine National Anti-Doping Organization (PHINADO) na maedukado ang mga atleta’t coach sa mga patakaran sa laban sa bawal na droga.
Inasistehan na ng government sports agency ang PHINADO sa pagtataguyod ng bansa sa tatlong araw na nabanggit na training course.
Pinabatid naman ni PHINADO Board Member at Project Director Dr. Alejandro Pineda ng PSC, na mangunguna sa mga lecturer sa kurso si Southeast Asia Regional Anti-Doping Organization (SEARADO) Director General Gobinathan Nair ng India.
Nagpadala lahat ang 11 bansang miyembro ng Southeast Asian Games Federation ng kanilang mga kinatawan sa pagtitipon. Bahagi sa mga dumalo ang may 20 doctors, nurses, nutritionists, coaches at sports administrators na may doping control background.
Papaksain ni Pineda ang magiging hakbang ng bansa sa anti-doping sa pang-apat na pagtataguyod ng 30th SEA Games 2019 sa Nobyembre 30-Disyembre 11.