Mga atleta may 20% discount na

Hindi na makikipag-debate at mapapahiya ang mga national athlete tulad nang nangyari kay wushu star Agatha Wong hinggil sa dapat na matanggap na benepisyong 20% diskuwento sa pamasahe at mga establisimyento.

Mae-enjjoy na ngayon ng mga national at coaches ang 20 percent discount sa pagbili ng goods at serbisyo na katulad sa insentibong nakukuha ng mga senior citizens at persons with disabilities (PWD).

Ito ay matapos na ilabas ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Revenue Regulations No. 13-2020 na siyang nagpapatupad sa batas na nagpapalawak sa coverage ng incentives na ibinibigay sa national athletes at coaches sa ilalim ng Republic Act 10699.

Pinirmahan na ni Finance Secretary Carlos Dominguez III ang regulasyon base sa rekomendasyon ni BIR Commissioner Caesar Dulay.

Ang mga benepisyaryo ay ang mga nakalahok sa international sports competitions na hindi nagbibigay ng prize money at accredited sa Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC), Philippine Paralympics Committee (PPC) at mga National Sports Association (NSA).

Upang makamit ang mga prebilehiyo, mag-iisyu ang PSC ng kailangang identification card (IC) at booklets para sa qualified beneficiaries.

Nakasaad sa regulasyon na ang mga may ID lang ang mabibigyan ng discounts at exemption mula sa pagbayad sa value-added, o percentage taxes sa business establishments. (Lito Oredo)