Positibong balita para sa mga pambansang atleta dahil makukuha na ng mga ito ang kanilang mga buwanang allowance mula sa Philippine Sports Commission (PSC).
Inihayag ni PSC Chief of Staff Marc Velasco sa kada linggong programa na PSC Hour na makakamit na muli ng mga pambansang atleta ang kanilang buwanang allowance simula Lunes matapos na maantala dahil sa kakulangan ng pondo ng ahensiya matapos gastusan ang pagho-host ng bansa sa 30th Southeast Asian Games.
Mahigit na dalawang buwan na hinihintay ng mga atleta ang kanilang allowance matapos ang matagumpay nitong kampanya sa pagwawagi ng pangkalahatang titulo sa ginanap nakaraang taon sa bansa na SEA Games.
Ipinaliwanag naman ni Velasco na ang listahan ng mga national team members na kabilang sa 52 na national sports association (NSA) ay kinunsidera na disbanded matapos ang SEA Games.
Ang bagong listahan ng mga national athlete ay nararapat na isinumite at napinalisa base sa resulta ng nakaraang SEA Games bago ang buwan ng Pebrero subalit hindi nakumpleto at naipasa sa deadline ng ibang NSA na nagresulta sa pagkakaantala ng pagbibigay ng allowance. (Lito Oredo)