Napakahirap talaga makahanap ng isang perpektong opisyal ng gobyerno.

Kagaya ng lamang sa Kongreso kung saan ay may ilang kabagu-bago pa lamang sa puwesto ay pagbubulakbol na ang ina­atupag.

Ang isang tinutukoy natin ay isang open-secret ng may hindi magandang background dahil kabilang nga siya sa absinero sa pinanggalingan niyang tanggapan.

Ang hindi ko lamang maintindihan ay kung bakit sa kabila ng napa­kapangit nitong record partikular sa attendance ay iniluluklok pa rin ito sa puwesto ng ating mga kababayan.

Kaya sa mga bumoto sa isang mambabatas na ito na kabagu-bago pa lamang sa puwesto ay madalas nang napapansin dahil sa tila pagka-cutting class nito dahil hindi tina­tapos ang mga ses­yon at iba pang aktibidad sa Kongreso ay pagtiyagaan n’yo siya dahil kayo ang dahilan kung bakit ito nanalo at hindi ang mga mas may karapat-dapat kagaya ni dating Baya­n Muna Rep. Neri Colmenares.

Ang isa pang mambabatas na pasaway agad ay mula naman sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at kumakatawan sa lungsod ng Maynila.

Bagito rin ito sa puwesto at nakakapanghinayang na siya ang naluklok sa puwesto dahil tila wala rin itong gagawing mabuti sa Kamara.

Aba’y unang buwan pa lamang niya sa Kamara ay pagka-cutting class agad ang inatupad.
Mantakin n’yo ba namang sabihan ang kanyang mga bisitang dumayo pa sa Batasang Pambansa na hintayin siya at magpapa-check muna siya ng attendance saka sisibat at aalis na sila ng kanyang mga bisita.

Sa istilong ito ni Congressman, tiyak na wala itong gagawing matino sa Kamara kundi puro pagbubulakbol.
Sabagay talaga ngang maiilang siya dahil karamihan ay kapita-pitagan ang mga bumubuo ng Kamara at talagang maiilang siyang makipagba­litaktakan sa ilang mahahalagang isyung dapat ­talakayin.

Hindi natin iniismol si Cong pero talagang pandagdag bilang lamang yata talaga sa mga botohan ang magiging papel ng bagitong kongresistang ito mula sa Metro Manila.

Ilan pa kayang mga bagitong mambabatas ang magiging miyem­bro ng iskul bukol? Abangan­ natin sa pagpapatuloy ng mga aktibidad sa Kongreso dahil tiyak na makakabuo ang mga ito ng grupo at hindi mala­yong magkakaroon pa ng sariling mga opisyales.

Pero dapat nating paka­tandaan ang mga ito upang mapiktyuran at huwag na huwag nang bibigyang muli ng pagkaka­taong maluklok sa Kongreso dahil sayang lamang ang ipinapasahod natin sa kanila.