Mga laro ngayon:
(FilOil Flying V Centre)
12:00nn — Letran vs San Beda
2:00pm — Mapua vs Perpetual Help
‘Di na kailangan ng first six!
Ito ang pinatunayan ng College of Saint Benilde Lady Blazers nang ura-uradang walisin ang Emilio Aaguinaldo College Lady Generals, 25-20, 25-21, 25-17 sa ikawalang laro ng NCAA Season 95 women’s indoor volleyball tournament first round eliminations sa FilOil Flying V Centre.
Kataka-taka na sa unang dalawang set ng bakbakan na walang ginamit ang CSB Lady Blazers sa first six at sinalang lang ito pagdating sa naging third at final set ng laro.
“Gusto niya kasi [coach Jerry] lahat talaga nau-utilize,” giit ni assistant coach Charmaine Geronimo sa pagbabad sa mga bench player sa unang dalawang frames.
“Prinapare sila physically, mentally para mag-last sa game kaya ngayon talaga more of aggressive kami tapos lahat ng players ginagamit. As in walang nababangko sa game namin.”
Nanguna sa bench points si Klarisa Abriam na humambalos ng 16 spikes habang gamit na gamit naman si Michelle Gamit tapos umagapay ng 11 points mula sa kinolektang 10 spikes.
Kasalukuyang nasa top spot ang Taft-based squad na may 4-0 record na habang ibinaon ang Gen. Luna volleybelles sa ilalim 0-3 kartada kasama ang San Sebastian College-Recoletos Lady Stags. (Aivan Denzel Episcope)