Mga barangay chairman na dedma sa misyon sa Manila Bay lagot sa DILG

Nakatakdang maglabas ng ‘show orders’ ang Department of the Interior and Local Government (DILG) laban sa mga barangay chairman na hindi umaksiyon o nagbalewala sa mga kautusan na may kinalaman sa “Mission Manila Bay” (MMB) ng gobyerno.

Ayon kay Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño, pinirmahan at ipinadala na niya ang kasulatan kay National Barangay Operations Office (NBOO) Director Karl Rimando ang ‘show orders’ laban sa mga barangay official.

“Dito malalaman nila na hindi nagbibiro ang DILG… lalong-lalo na sa kampanya natin against illegal dumping of garbage under Republic Act 9003 or the ecological solid waste… eto sumulat na ako kay (Director) Rimando at pinirmahan ko na tungkol dyan… na ilabas na ang show cause na ‘yan agad… I hope next week ilabas na at kasama ang mga names ng barangay,” babala ni Diño

Aniya, 5,700 barangays ang sakop ng direktiba na magsagawa ng ‘clean-up drive’ sa ilalim ng Manila Bay rehabilitation program. Mula sa numerong ito, 1,000 barangay ang diumano’y hindi sumusunod o ipinagsasawalang-bahala ang kautusan.

Sakop ng “Mission Manila Bay” ang region 3, 4A, at National Capital Region, na binubuo ng anim na probinsiya gaya ng Bataan, Pampanga, Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite. Sakop din nito ang 179 na siyudad at munisipalidad.

“‘Yung 1,000 barangays, ito ‘yung hindi tu­malima sa order ni Secretary (Eduardo) Año na magkaroon ng clean-up drive, kailangan kasi ‘yan gagawa sila ng report, kung maaari may picture (taking) pa at ‘yung ginawa nilang clean-up every weekend ‘yan,” giit ni Diño.

Nagbanggit ang opisyal ng probisyon sa ilalim ng RA 9003 kung saan ang mga lalabag ay maaaring makulong mula anim na buwan hanggang anim na taon.

“Ang tanong may nag-implement na ba na barangay, may nag-implement na ba na siyudad, kaya dumumi nang dumumi itong Manila Bay ay dahil sa kapabayaan ng kapitan at mayor sa totoo lang, ‘yan po ang naging problema d’yan,” ayon pa kay Diño.

Hindi lang Boracay at Manila Bay ang sasai­lalim sa rehabilitasyon dahil aniya, iiimplementa ang programa sa buong bansa.

“Kasunod nito ay buong Pilipinas na ipapalinis namin lahat ng metropolis kamukha ng Cebu, Davao… lahat nang namamatay na ilog, we will make sure na mabuhay ito dahil kawawa naman ang next generation natin… wala silang makikitang maayos na ilog,” dagdag pa ng DILG undecretary. (Dolly Cabreza)