Mga bata sa computer shop sinuyod

Sinuyod ng mga tauhan ng Manila Police District-Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) ang iba’t ibang computer shop at mga kalsada at pinauwi ang mga kabataan na nakitang naglalaro at naglalaboy sa mga kalsada sa ilang lugar sa Maynila.

Nabatid na daan-daang kabataan ang napauwi sa kani-kanilang bahay at maging ang may-ari ng computer shop ay pinagsabihan ng SMaRT.

Nagbigay ng direktiba si SMaRT Chief Police Major Rosalino Ibay Jr. sa kanyang mga tauhan na suyurin ang kahabaan ng Bilibid Viejo, Loyola, Quiapo at San Marcelino upang sitahin at bigyang babala ang mga estudyanteng patuloy na pumupunta sa mga pampublikong lugar.

Ito umano ay alinsunod na rin sa deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na suspindihin ang mga klase sa buong Metro Manila dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).

May kautusan rin ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa bawat lokal na pamahalaan at mga barangay na panatilihing malayo sa mga pasyalan at matataong lugar ang mga estudyante. (Juliet de Loza-Cudia)