Pinaalalahanan ng Manila Police District (MPD) ang mga debotong dadalo sa Traslacion 2020 na huwag nang magdala ng mga ipinagbabawal na bagay sa prusisyon.
Sinabi ni MPD Director P/BGen. Bernabe Balba, kabilang na rito ang mga matutulis na bagay, nakamamatay na sandata, nakaboteng inumin at iba pa na maaaring magdulot ng peligro sa mga deboto.
Gayundin, ipinagbabawal ang pagtitinda sa kalsada ng mga vendor lalo na kung ang mga ito ay may matutulis na stick, na magiging dahilan nang pagkaantala ng pag-usad ng andas at pag-inom ng alak sa kalye na kalimitang pinagmumulan ng kaguluhan.
Ayon pa kay Balba, maglalagay sila ng sapat na bilang ng pulis sa paligid ng daraanan ng prusisyon, gayundin sa paligid ng andas upang magbigay ng seguridad sa lahat ng mga deboto.
Ito ay upang maging maayos ang prusisyon at maagang makababalik sa Simbahan ng Quiapo, tulad nang matagumpay na Thanksgiving Procession noong Lunes.
“Kaya naging maayos, orderly, solemn ‘yung dating ng prosesyon. Maraming nakapagparticipate including ‘yung mga priest at ‘yung mga deboto na mga babae,” ayon kay Balba.
Samantala, hiniling ni Balba ang kooperasyon ng mga deboto para matiyak na magiging ligtas at matagumpay ang pagdaraos ng Traslacion 2020.
“Ito naman po ay ginagawa para sa kabutihan ng lahat, at maraming makapag-participate, at matapos po ang Traslacion na tahimik, solemn, at wala pong magiging problema,” dagdag pa ni Balba. (Juliet de Loza-Cudia)