DARAGA, Albay – Hindi na kailangang pumunta ng Maynila ang mga Bikolano kung may sakit sila sa puso. May sarili na silang Heart Center sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) sa Legazpi.

Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda na nagsikap para mapondohan ang P300 milyong Bicol Regional Heart Center, ang pasilidad ay ugnayang proyekto ng BRTTH at Philippine Heart Center. Pang-apat na ito sa buong bansa. Mayroon itong mga espesyalistang doktor at modernong mga kagamitan, kasama ang para sa 2D echo-cardiogram, coronary angiogram, angioplasty, pacemaker insertions, bypass-graft at open surgery.

Sa pamamagitan ng BRTTH Heart Center, puna ni Salceda, makatitipid sa gastos at pagod ang mga Bikolano. Mahigit 10 oras ang biyahe sa pagitan ng Legazpi at Maynila. Bukod sa mga Bikolano, mapaglilingkuran din nito ang mga pasyente mula sa Eastern Visayas. Inaasahang mapagseserbisyuhan nito ang 4,000 pasyente sa isang taon sa mga pangangailang nila.

Mayroong 15 private and 20 semi-private ward, 5 executive suite, 9 coronary care unit, 3 operating room, and six emergency room — three for adults and three for children ang pasilidad. Mayroon din itong 7 recovery room bukod sa 7 re­serbadong iba sa karatig na kidney center.

“Sa nakaraang 21 taon, sinikap kong isulong ang BRTTH na may pinakamataas na antas ng serbisyong medikal sa Albay at Kabikulan,” diin ni Salceda na naunang nagsilbi na ng 9 taon bilang congressman at 9 taon bilang gobernador ng Albay hanggang 2016 kung kailan bumalik siya sa Kongreso. Ngayon wala siyang kalaban sa ika-2 distrito ng kanyang lalawigan.

Kamakailan, inihain niya ang House Bill 8856 sa Kamara na naglalayong lakihan sa 800 mula 250 ang bed capacity ng BRTTH na dating isang US Army barracks hospital, lalong pabutihin ang mga pasilidad at dagdagan ang mga tauhan nito para matugunan ang pangangailangan medikal ng buong Bikol na sumasaklaw sa mga mga lalawigan ng Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Masbate at Catanduanes.

Kasama sa mga pasilidad ng BRTTH na masikhay na tinulungan ni Salceda para magkaroon ng kaganapan ang PhilHealth Ward, ang P580 milyong equipment modernization, ang P400 milyon trauma ER, ang P150 milyon Bicol Cancer Institute, ang P80 milyong MRI na kasaluku­yang pinagagana, ang bagong P1.7 bilyong gusali na kasalukuyhang ginagawa, ang P78 milyong pagkumpuni nito mula sa pananalasa ng bagyong Reming noong 2006, at ang bagong Bicol Regional Heart Center ngayon, bukod pa sa nalikhang mga 630 puwesto ng mga empleyado sa nakaraang tatlong taon.