Naglaan ang labor department ng P200 milyong inisyal na tulong sa trabaho para sa mga manggagawa na naapektuhan ng lindol sa Mindanao.

Hiniling din ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa lupon ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na aprubahan ang pagpapalabas ng tulong na cash sa mga pamilya ng OFW sa lugar.

Sa kanyang pagbisita sa mga lugar na na-lindol noong Linggo, inutusan ni Bello ang mga senior official at DOLE regional office na bilisan ang emergency employment para sa mga manggaga­wang nawalan ng trabaho at tulong sa pangkabuhayan sa mga manggagawa sa impormal na sektor na tinanta­yang maaaring umabot sa P500 milyon.

Maaaring kaila­nganin aniya ang mahigit P500 milyon upang masakop ang lahat ng nangangaila­ngan ng tulong at emergency employment sa mga apektadong lugar.

Sinabi rin ni Bello na kasunod ng kanyang kahilingan, ang OWWA ay nakatakdang magbigay ng tulong para sa mga pa­milya ng mga OFW na aktibong miyembro ng OWWA sa mga lugar na nilindol.

Nauna nang ipina­dala ni Bello ang mga senior official ng labor department at mabilis na mga koponan sa pagtugon sa mga lugar sa Mindanao na malubhang tinamaan ng 6.5 na lakas ng lindol upang masuri ang sitwasyon at magbigay ng tulong sa mga apek­tadong manggagawa. (Mina Aquino)