Nadagdagan ang paghihigpit na ipinatutupad ng Presidential Security group (PSG) sa Malacañang upang makaiwas sa 2019 novel coronavirus (nCoV).

Bago pumasok sa Palasyo ay mayroong declaration form na pinapapirmahan sa lahat ng mga papasok kung saan kailangang sabihin kung nanggaling ito sa ibang bansa sa loob ng nakalipas na araw.

Mayroon ding katanungan sa declaration form kung san-saang lungsod sa Pilipinas nagpunta sa loob ng 14 na araw, at kung nagkaroon ba ng karamdaman gaya ng ubo, sipon at lagnat.

Pinakahuling tanong sa declaration form ay kung mayroon bang close contact ba ito sa mga hayop .

Matatandaang matapos pumutok ang nCoV ay naghigpit ang PSG sa pamamagitan ng pagkuha ng body temperature sa lahat ng mga papasok sa Malacañang.
Pinagsuot naman ng face mask ang lahat ng mga tauhan ng PSG at maging ang mga kawani na pumapasok sa Palasyo.

Kahapon, mahaba ang pila sa pagpasok sa loob ng Malacañang dahil sa mahigpit na inspection at pag-sani­tize sa mga bisitang pumapasok sa Palasyo.

Ayon sa mga opisyal ng PSG, mananatili ang ganitong set-up sa mga aktibidad sa Palasyo hangga’t may banta ng nCoV sa bansa.

Maging ang mga miyembro ng media ay kinukunan ng temperature at winiwisikan ng hand sanitizer ang mga kamay bago makapasok sa venue ng coverage.

Hindi exempted ang mga miyembro ng Gabinete sa ipinatutupad na mahigpit na health safety protocol ng PSG sa Malacañang.

Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles na lahat ng punapasok na opisyal sa Palasyo ay dumadaan sa thermal screening at kinukuha ang temperatura bago makapasok sa Palasyo. (Aileen Tali­ping/Prince Golez)