Mga bomba, armas pinaimbentaryo ni Digong para gamitin sa mga terorista

Abot hanggang impiyerno ang kasamaan ng ISIS, o Islamic State of Iraq and Syria.

Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng naging sunod-sunod na insidente ng karahasan sa Mindanao nitong nakalipas na dalawang linggo.

Sa kanyang talumpati sa oath taking ng mga bagong opisyal sa Malacañang, tinawag ng Pa­ngulo na mga baliw ang ISIS dahil pumapatay nang walang dahilan.

Sinabi ni Duterte na kaya niya ring pumatay pero may dahilan hindi katulad ng ISIS na basta na lamang naghahasik ng karahasan na ang mabibiktima ay mga inosenteng mamamayan.

“We have itong insane ISIS, that they would kill. And I except that they would do some — paputok dito, paputok doon ‘cause they are — that’s what they get in the Middle East. It’s a terrible… It’s a… That thing is a or was made in hell,” anang Pa­ngulo.

Dahil dito, sinabi ng Presidente na iniutos niya ang pag-imbentaryo ng mga armas ng pamahalaan at gamitin para bombahin ang mga tero­ristang walang ginawa kundi ang maghasik ng karahasan sa Mindanao.

“Sabi ko nga sa military, ‘yung inventory mo diyan sa bomba, diyan sa bodega ninyo, kinakala­wang na ‘yan. P***** i** ihulog ninyo lahat ‘yan. Plant it. Baka magbunga pa ‘yan ng mga bomba, hindi na tayo magbili,” dagdag pa ng Pangulo.

Nagpapatuloy ang mga military operation sa Sulu kung saan tinutugis ng mga tropa ng pamahalaan ang mga teroristang nasa likod ng malagim na pagpapasabog sa Jolo noong nakalipas na linggo.