Mga broker kakalkalin sa R&L scam

Iniimbestigahan na rin ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang mga broker na may kinalaman sa R&L stock scam.

Nabatid na sumulat si SEC Enforcement and Investor Protection Department officer-in-charge Oliver O. Leonardo kay Philippine Stock Exchange (PSE) president at chief executive officer Ramon S. Monzon na nag-uutos ditong pagsumitihin lahat ng mga stock brokerage ng sertipikasyon na nagsasabi kung kliyente nila o hindi sina Marlo Moron at Julieta Sulapas at si Moron o hindi.

Si Moron ang settlement clerk ng R&L na siyang nasa likod umano ng stock scam. Inililipat umano ni Moron sa isang account na nakapangalan sa isang Julieta Sulapas ang mga ninakaw sa kanilang kompanya.

Sakaling naging kliyente ng stock brokerage si Sulapas o si Moron, pinasasabi ng SEC sa mga ito kung kailan binuksan ang kanilang mga account at kung kailan ito sinara sakaling sarado na.
Ayon sa listahan ng Capital Markets Integrity Corp. (CMIC), may 136 stock brokerage o trading participant, kasama na ang R&L na isinailalim sa pangangalaga ng nito.

Ang CMIC ang ‘pulis’ sa mga stock brokerage. Kasalukuyang nitong iniimbestigahan ang nangyari sa R&L at nagsasagawa rin ito ng special audit sa libro at mga dokumento ng Venture Securities Inc. ni STI chair Eusebio Tanco kung saan ibinenta diumano ang ninakaw na stocks sa R&L.

Binigyan ng SEC ang CMIC ng hanggang December 20 para isumite ang resulta ng imbestigasyon nito ngunit nagsasagawa din ng sariling pagsisiyasat ang SEC sa pangyayari. (Eileen Mencias)