Mga bumbero red alert na

bfp

Itinaas sa code red alert ng pamunuan ng Bureau of Fire Protection (BFP) lahat ng bumbero sa National Capital Region para sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Ayon kay BFP regional director Chief Supt. Wilberto Rico Neil Kwan Tiu, target nila ang zero fire incident sa pagsalubong sa 2020 kaya patuloy ang kanilang kampanyang Oplan Paalala at Oplan Iwas Paputok, isang araw bago ang bisperas ng Bagong Taon.

Mag-iikot aniya sa mga pamayanan ang mga bumbero upang paalalahanan ang mga residente ukol sa panganib ng paggamit ng paputok, pag-iwan sa nakasinding lutuan at faulty electrical connection.

Siniguro rin ng BFP ang mahigpit na pagpapatupad ng itinakdang lugar para sa community fireworks display.

Dagdag pa ni Tiu, 24/7 ay nakaistambay ang mga truck ng bumbero sa mga istasyon at alertong magmomonitor at mag-iinspeksiyon sa mga commercial area at mga barangay.

Nabatid na nakapagtala ang BFP ng zero fire incident sa mga San Juan City at Pateros sa pagsalubong ng Bagong Taon noong 2019. (Dolly Cabreza)