Nakatakdang pulungin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga operator at may-ari ng mga kompanya ng bus upang ta­lakayin ang implementasyon ng fixed salary sa kanilang mga bus driver at konduktor.

Kasunod ito sa pag-alma ng bus company at operator sa nais ng gobyerno na ipatupad na ang fixed salary sa mga driver at konduktor.

Ayon kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, noong 2012 pa umiiral ang Department Order No. 118 hinggil sa fixed salary ng mga bus driver at konduktor pero naantala lang ang pagpapatupad nito matapos iakyat sa Korte Suprema ng ilang bus operator ang kanilang apela laban sa nasabing kautusan.

Ngunit, may ilan pa rin umano ang mga sumunod sa kautusan.

Magpapatawag umano ang kagawaran ng isang pagpupulong sa Marso 14 sa mga tauhan ng city at provincial bus kasama ang ilang labor group para plantsahin ang fixed sa­lary matapos pagtibayin ng Korte Suprema ang kautusan ng DOLE.

Nabatid na ilan sa mga tatalaka­yin sa pulong ay ang mga benepisyo at regularisasyon ng mga bus driver at konduktor.