Mga bus driver, konduktor sinorpresa sa drug test

Nagsagawa ng surprise mandatory drug test na tinaguriang ‘Oplan Huli Week’ ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga bus driver at konduktor sa mga terminal, airport at seaport nationwide.

Ayon kay PDEA Director General Aaaron Aquino, ipinatupad nila ang ‘Oplan Huli Week’ katuwang ang iba pang mga law enforcement agency upang masigurong ligtas ang mga pasahero na uuwi sa kanilang mga lalawigan ngayong Semana Santa.

“We are also doing this to curb incidents of vehicular accidents caused by drugged drivers and make the roads safer, especially this Lenten Season’s travel rush,” ani Aquino.

Aniya, maliban sa mga bus terminal, katuwang ang K9 ay sinorpresa din nila ang mga paliparan at daungan sa pakikipagtulungan ng Manila International Airport Authority (MIAA) at Philippine Ports Authority (PPA).

Sabi ni Aquino, ang mga driver na hindi magpapasailalim sa mandatory drug test ay ire-report sa Land Transportation Office (LTO).

Kukumpiskahin naman ang driver’s license ng mga lalabas na positibo sa droga habang wala pang iniisyung clearance ang PDEA at sasailalim din sa rehabilitasyon bago makuhang muli ang kanilang lisensiya.

Bukod sa LTO, MIAA at PPA, katuwang din ng PDEA sa ikinasang surprise mandatory drug test ang LTFRB at Philippine National Police.

Ang mga sinorpresang bus driver at konduktor ay sa mga terminal ng Five Star, DLTB, Philtranco at Jam sa Pasay City; Araneta Center Bus Terminal, Bicol Isarog, Raymond Bus, Dela Rosa Bus, Partas, Five Star, ES Transport, Florida Bus, JAC, Victory Liner, Dagupan Bus, DLTB at Jam terminal sa Quezon City.

Ilalabas sa mga susunod na araw ang resulta ng drug test. (Dolly Cabreza)