Mga car dealer sa mall kumikita

Sa pagpapatuloy ng pag-asenso ng teknolohiya, siguradong mababawasan at mababawa­san ang mga taong nagkukumahog magpunta sa mall para mamili ng kung ano-ano.

Halos lahat kasi ngayon ay nagiging door-to-door delivery na ang estilo, mapa-damit, pagkain at kung ano-ano pa kabilang na ang mga spare parts ng mga sasakyan.

Kaya nga ba nag-iisip na rin ang mga may-ari ng mall kung ano pang gimik ang maaari nilang gawin upang patuloy na tunguhin ng publiko na naghahanap ng kung ano-ano?

Bumababa na talaga kasi ang sales ng mga kalakal na nasa mall at sa lawak ng mga espasyo ng mga ito, hindi nakakapagtakang ma­rami nang mabakante sa mga darating na araw.

Pero kung kabado ang karamihan sa mga may puwesto sa mall, tuwang-tuwa naman ang mga car dealer na nagdi-display ng kanilang mga sasakyan sa mga mall.

Sa pakikipag-usap ko sa ilang mga ahente ng mga baguhang brand ng sasakyan dito sa bansa, ipinagmalaki nila na mas marami ang inquiries, reservation at benta sa mall kumpara sa mga showroom.

Kaya pala kahit na may kamahalan ang kanilang upa sa mga main lobby ng mga mall ay sige lang ang pag-display ng mga tindang sasakyan.

Kuwento pa sa akin ng isang ahente, sa sampung benta nila, pito raw ay galing sa mall.

Kaya lumalabas na ang casa ay kumikita lamang sa periodic maintenance service at pagkumpuni ng mga sasakyan na naaksidente.

Napaisip tuloy ako bigla kung bakit mahal magpaayos ng sasakyan sa casa kumpara sa mga mechanical shop na halos kagaya rin sa kanila ang kalidad ng trabaho.

Ayos ba?