By Shane Waldo Juan
Nais ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na ibangon mula sa pagkakautang ang mga magsasakang benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Sa kanyang inihaing panukalang batas ngayong 18th Congress, layon nito na alisin ang mga magsasaka sa obligasyong bayaran ang anumang pagkakautang sa pag-aari ng lupa sa ilalim ng CARP gaya ng amortisasyon, interes, penalty at iba pang singilin.
“If we have forgiven billionaires’ debts, why not CARP loans of farmers? When can government be a white knight to indebted farmers who are being squeezed between rising production costs and falling crop prices,” sabi ni Recto.
Tiniyak naman ni Recto na sa hanay ng mga landowner na ipinamahagi ng gobyerno ang kanilang lupain ay mababayaran pa rin ang mga ito sakaling maging ganap na batas ang kanyang panukala.
Batay sa isang opisyal na report, P2.5 bilyon mula sa P14.3 bilyong amortization lamang ang kabuuang nakolekta ng Land Bank of the Philippines mula sa mga CARP awardee mula noong 1987 hanggang 2004.
Giit ni Recto, ang backlog na ito ay maliit lamang kumpara aniya sa daang bilyong pisong loan condonation na ibinigay ng gobyerno sa pribadong sektor sa nakalipas na 40 taon.