Naglaan umano ng pabuya na P20,000 ang mga drug lord sa Cebu para sa sino man na makakapatay ng pulis sa nasabing lalawigan.
Ibinunyag ito kahapon ni Cebu Provincial Police Office (CPPO) director Sr. Supt. Manuel Abrugena kung saan, batay aniya sa natanggap nilang impormasyon ay nag-chip in ng pera ang mga miyembro ng drug syndicate sa lalawigan para gawing pabuya sa bawat makakapatay ng pulis.
Natanggap umano nila ang impormasyon matapos ang mga matagumpay na anti-illegal drugs operation partikular sa Talisay City kung saan laganap ang kalakaran ng droga.
Pero bineberipika pa rin umano nila ito.
Patuloy ang anti-drug campaign ng CPPO sa buong lalawigan ng Cebu kung kaya’t nais umanong gumanti ng mga drug lord dahil apektado na ang iligal na negosyo ng mga ito.
Dahil din sa mga matagumpay nilang operasyon kung kaya’t ilang opisyal na aniya ng pulisya sa lalawigan ang nakakatanggap ng death threat.
Pero pinayuhan umano ni Abrugena ang kanyang mga kasama na huwag magpaapekto at manatiling mapagbantay sa pagpatupad ng kanilang tungkulin.