Mga Chinese cruise ship isama sa travel ban — Lagman

Iginiit ng isang mambabatas na dapat isama rin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa inutos na travel ban sa China at mga special administrative region nito ang mga dumarating na cruise ship sa bansa kung saan nakasakay ang mga Chinese.

“The ban must also include the arrival of Chinese nationals and other tourists from China in cruise ships and other vessels,” ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman.

Sinabi ito ng mambabatas matapos payagan noong nakaraang linggo ng Philippine Coast Guard (PCG) na makapasok sa Subic ang World Dream cruise ship na may sakay na 778 Chinese galing Hong Kong.

“The health and safety of Filipinos must be paramount over diplomatic niceties, tourism reve­nues, and income of Philippine airline companies,” sabi ni Lagman

Iginiit pa nito na dapat suspendihin ng Philippine Airlines at Cebu Pacific ang lahat ng kanilang flight papunta at galing China at Hong Kong matapos iutos ni Pangulong Duterte ang travel ban.

Una nang dineklara ng World Health Organization (WHO) na isa nang global health emergency ang Novel Coronavirus.

Ilang bansa na rin ang nagpatupad ng travel ban patungo at galing China, kabilang dito ang Israel, Italy, Pakistan, Iran, Mongolia, at Singapore.

Tinigil na rin ng Vietnam ang pag-iisyu ng visa sa mga Chinese national habang ang Armenia ay sinuspinde ang visa-free travel agreement nito sa China. (JC Cahinhinan)