Mga Chinese, iba pang foreign worker sinuyod ng DOLE

Nagpakalat ng mahigit 400 na labor inspector ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa buong bansa para mag-inspection sa mga negosyong kumukuha ng mga Chinese at iba pang dayuhang empleyado para siguruhing mayroon silang permit na magtrabaho sa bansa at hindi agawan ng trabaho ang mga Pilipino.

Nag-isyu si DOLE Secretary Silvestre Bello III ng Administrative Order No. 472 na nagbibi­gay sa mga labor inspector ng hanggang ikalawang linggo ng Disyembre para magsagawa ng verification inspection sa mga negosyo sa 16 na rehiyon sa bansa.

Sasamahan ng mga labor inspector ang mga labor and employment officer.

Sa mga isasagawang inspeksyon, titingnan ng mga labor inspector at mga officer kung may business permit ang mga establisimyento, kung rehistrado ang mga ito sa Securities and Exchange Commission at ang mga listahan ng alien employment permit.

Pinakamarami ang pinakalat na labor inspector at officer sa National Capital Region kung saan 135 ang nag-iikot, 12 sa Cordillera Administrative Region, siyam sa Ilocos, 32 sa Cagayan Valley, 37 sa Central Luzon, 34 sa Calabarzon, 12 sa Mimaropa, at 12 sa Bicol.

Sa Visayas, 11 ang iikot sa Western Visayas, 23 sa Central Visayas at 12 sa Eastern Visayas.

Sa Mindanao, 12 ang mag-iikot sa Zamboanga Peninsula, 20 sa Northern Mindanao, 12 sa Davao, 11 sa Soccsksargen at 10 sa Caraga. (Eileen Mencias)