Mga Chinese makikinabang sa Manila Bay reclamation

Nangangamba ang isang kongresista na pang­himasukan din ng China ang mga reclamation ­project sa Manila Bay.

Pinagdududahan kasi ni Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano ang pagsasailalim sa Philippine Reclamation Authority (PRA) sa Office of the President.

Aniya, nabahiran ng hindi magandang intensyon ang mabuting hangarin para sa rehabilitasyon ng ­Manila Bay lalo na kung magbubukas na naman ito ng panibagong pagkakataon para makapasok ang mga Chinese.

“I will not be surprised if later on we will find out that Chinese investors will be the ones benefitting from the speedy approval of reclamation projects,” komento ni Alejano.

Samantala, ipinahayag naman ni Anakpawis ­Party-list Rep. Ariel Casilao na tumibay ang batayan na reklamasyon ang tunay na pakay sa rehabilitasyon ng Manila Bay matapos isalin ang pagmamando ng PRC sa Office of the President alinsunod na inilabas na ­Executive Order No. 74.

Naniniwala ang mambabatas na sa pamamagitan ng EO 74 ay mas mapapabilis ang mga reclamation project sa Manila Bay.
Nauna nang inihayag ng Makabayan bloc sa Kamara na umaabot sa 43 reclamation project ang gagawin sa Manila Bay. (Aries Cano)