Walang awang inihahagis umano ang mga alagang aso at pusa mula sa tower ng mga residente sa China matapos kumalat ang mga balitang ang mga hayop ang nagpapakalat ng nakamamatay na novel coronavirus (nCoV).
Ito ay makaraang isang aso ang natagpuang patay na sinabing inihagis mula sa ‘tower block’ ng Heyuan Guohe Garden area sa Tianjin City sa lalawigan ng Hubei sa China, bandang alas-kuwatro nang umaga kung saan ay tumama pa ito sa bubungan ng nakaparadang sasakyan bago bumagsak sa semento.
Sa report, nabulabog at nagising ang mga residente sa lugar nang malakas na kumalabog sa sasakyan ang inihagis na aso kung saan ay nakitaan pa ng bahid ng dugo nito ang pinagbagsakang bubungan.
Hindi naman mabatid kung sino ang may-ari ng aso na naghagis mula sa tower ng gusali habang ang may-ari ng sasakyan ay naghihintay pa sa ginagawang imbestigasyon ng pulisya upang singilin sa nawasak na behikulo.
May mga ulat din na limang pusa naman ang inihagis din at namatay sa Shanghai City, sa paniwala ring magdadala ang mga ito ng kinatatakutang nCoV.
Ang sunod-sunod na insidente ay mula nang sabihin ni Dr. Li Lanjuan sa isang panayam sa China Central Television na kapag ang isang hayop ay nagkaroon ng kontak sa pasyenteng hinihinalang nagdadala ng virus ay kailangan ang mga itong i-quarantine. (Dolly Cabreza)