Mga Chinese paldo sa ₱3.6B Build program

Pihadong makokorner ng Chinese contractor ang P3.6B proyekto ng irigasyon sa Cordillera o ang Chico River Pump Irrigation Project.

Kaya naman tablado na naman ang mga manggagawang Pinoy dahil kasama sa kondis­yon ng pautang ng China na ibigay sa mga Intsik ang pagpapatrabaho sa proyekto.

“Wala na ngang trabaho ang napakara­ming mga Filipino ay mga Chinese pa ang malamang na kukunin sa deal na ito na tayo naman ang magbabayad. Talagang ginigisa tayo sa sarili nating mantika,” paghahayag ni Bayan Muna chairman at Makabayan senatorial bet Neri Colmenares patungkol sa sumingaw na loan contract.

Bukod aniya sa napakalaking interes na ipinataw ng China ay inobliga pa na Chinese company ang papapel na contractor.

“Pero ang mas mala­king tanong, bakit pumayag ang gobyerno na CAMC Engineering Co. Ltd ang contractor, eh marami namang Pilipino ang kayang gumawa ng proyekto? Sabi ni Pres. Duterte at economic managers niya na Build, Build, Build para may trabaho pero sa mga Chinese pala niya ito ibibigay,” ani Colmenares.

Bukod dito, interesado si Colmenares na malaman kung sino ang mga Chinese consultant na babayaran sa mga nasabing proyekto.

“Talamak na pagwawaldas na ‘yan ng pera ng bayan,” ayon kay Colmenares.