Mga Chinese POGO worker turuan ng GMRC

Sinuportahan ni House Committee on Games and Amusement vice chair Ronnie Ong ang panukala ng Philippine Amusement and Gaming Corporations (Pagcor) na isailalim sa Good Manners and Right Conduct (GMRC) seminar ang lahat ng turistang Chinese partikular ang mga namamasukan sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ayon kay Ong, kinatawan ng Ang Probinsyano Party-list, ang panukala ng Pagcor ay hindi lamang dapat nakasentro sa mga POGO worker kundi sa lahat ng mga pumapasok na Chinese tourist sa Pilipinas na karamihan ay mga bastos, balasubas at madalas masangkot sa paglabag sa batas.

“They must be remin­ded that although Filipinos are hospitable, they should abide by our laws and respect our cultures and traditions,” sabi pa ni Ong. Panahon na umano na bigyan ng leksyon ang mga Chinese kung paano ang tamang asal at ugali kapag nasa ibang teritoryo gaya ng Pilipinas.

Kailangan umanong ipaalam sa mga Chinese ang ‘dos and don’ts’ habang sila ay nasa bansa pati na rin ang mga tradis­yon at kultura na dapat nilang igalang dahil nakakaperwisyo sa maraming Pili­pino ang iba’t ibang kaso at krimen na kinasasangkutan ng mga ito.

“Masyadong bastos ang ilan sa mga ito. We should teach them how to behave properly even only for the duration of their stay in the Philippines,” dagdag pa nito. (JC Cahinhinan)