Mga Chinese turuan ng tamang asal

Dear Abante Tonite:

May panukala na turuan ng GMRC o Good Manners and Right Conduct ang mga Chinese na pumupunta rito sa ating bansa lalo na ang mga nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operator o POGO.

Naisip ko po na magandang gawin ito para matuto naman sila ng tamang pag-uuugali kapag nasa ibang bayan. At hindi lang basta GMRC ang ituro sa kanila. Obligahin din sila na magkaroon ng kaalaman hinggil sa mga tradis­yon at kultura natin.

Hindi ko naman sinasabing ituro lahat sa kanila. Hindi ito magagawa sa maiksing panahon lang. Ang iminumungkahi ko po ay magkaroon man lang sila ng kaalaman para hindi naman inosente sa mga tradisyon at kultura natin.

Katulad po ng mga overseas Filipino worker, ‘di ba isinasailalim sila sa tinatawag na pre-departure orientation seminar? Ito ‘yong binibigyan sila ng kaalaman tungkol sa bansang kanilang paroroonan para magtrabaho.

Tinuturo sa kanila kung ano ang mga dapat, puwede at bawal gawin.

Kung ginagawa ito sa ating mga OFW eh puwede rin gawin dito sa atin para sa mga dayuhang nais naman magtrabaho sa Pilipinas.

Mabuhay po ang Pilipinas!

Annalyn
Marikina City