BALIK eskwela at aral muli ng panibagong taktika ang mga coach habang mas mahabang panahon ang naibibigay at nagagawang makatulong ng mga players sa kanilang mga pamilya sa patuloy na suspensiyon ng propesyonal na liga sa bansa dahil sa paglaganap ng nakamamatay na coronavirus o COVID-19.
Sinabi mismo ng mga coach na isang malaking pagkakataon para sa lahat ng mga koponan ang nagaganap na bihirang mangyari na “indefinite suspension” na ipahinga ang kanilang mga katawan mula sa isang taong diretsong paglalaro at paghahanda maliban pa sa pisikal na banggaan pagkatapos mismo ng laro.
“That’s what coaches do, continuously nag-aaral ka pa rin talaga. Given naman ‘yun,” sabi ni dating national coach Joseller ‘Yeng’ Guiao.
“At the same time, you would check on your team and make sure that everybody is staying safe and healthy and would do home workouts.”
Hindi lamang si Guiao ng NLEX Road Warriors kundi pati rin sina Leo Austria ng San Miguel Beer, Louie Alas ng Phoenix at Jeffrey Cariaso ng Alaska Aces sinasamantala ang pagkakataon upang matuto at makahanap ng mga bagong kaalaman bago magbukas muli ang naudlot na 2020 PBA Philippine Cup.
Halos 13 araw na simula noong magbukas ang liga noong Marso 8 na suspendido ang mga laro dahil na rin sa hindi inaasahang paglaganap sa buong mundo ng nakamamatay na coronavirus at nagtulak sa bansa upang ilagay mismo ng pamahalaan ang enhance community quarantine o total lockdown upang agad na masugpo ang pandemic. (Lito Oredo)