Mga Coke worker hina-harass sa lockdown

Kinondena ng isang mambabatas ang pangha-harass umano sa mga manggagawa ng Coca-Cola sa Sta. Rosa, Laguna na itinaon kung kailan nahaharap sa matinding health crisis ang bansa.

Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite, nakarating sa kanilang kaalaman sa pamamagitan ng PAMANTIK-KMU na may mga unipormadong tao ang pumupunta sa bahay ng mga Coca-Cola worker at tinatakot ang mga ito para lumagda sa dokumento na nagsasabing mga rebel returnee sila.

Pinapangakuan pa aniya ng mga sundalo ang mga manggagawa na bibigyan ng pera dahil sa kanilang pagsuko.

“These operations have already been exposed as a big money-making fraud that fill the pockets of corrupt military officers, and further aim to malign and harass members of progressive unions and people’s organizations,” sabi ni Gaite sa isang pahayag.

Labis na ikinadismaya ng mambabatas na ginagawa aniya ito ng militar sa gitna ng kinakaharap na health crisis ng bansa.

“Instead of thinking how to help in relief efforts, they push on with this syndicated surrenderee scheme to make easy money,” ayon kay Gaite.

Kaugnay nito, sinabi ni Gaite na hihilingin niyang magsagawa ng imbestigasyon ang Kongreso hinggil dito kapag nagbalik sesyon na sila sa buwan ng Mayo.

Samantala, ipinahayag ng PAMANTIK-KMU na nais lamang sirain ng mga ganitong aksyon ang mga naging tagumpay nila para maging regular ang mga manggagawa sa planta ng Coca-Cola sa Sta. Rosa, Laguna.

“Signipikante ang naging ambag sa kilusang paggawa nang magigiting na pakikibaka ng mga manggagawa ng Coca-Cola laban sa dayuhang monopolyo kapitalista at sa pagkakamit ng regular na hanapbuhay. Binali ng dalawang beses na welga ng mga manggagawang kontraktwal ang mga limitasyon ng batas na sumasagka sa pagtatamasa ng mga karapatan lalo na sa pagkakamit ng kaseguruhan sa trabaho,” ayon sa pahayag ng labor group.