Pinulong kahapon ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang mga organizer at promoter ng malalaking konsiyerto na nakatakdang gawin sa lungsod upang pag-usapan ang kanilang mga hakbang sa pagdaraos ng concert.
Ipinatawag ni Mayor Calixto-Rubiano ang pagpupulong upang matiyak ang kaligtasan ng mga magtutungo sa konsiyerto, pati na rin ang mga performer at organizer, at alamin kung ano-ano ang mga hakbang na kanilang inilatag sa oras ng pagdaraos ng naturang konsiyerto.
Nais ng alkalde na masunod ang kanyang inilabas na memorandum kaugnay sa mga nararapat na paraan sa pagtiyak ng kaligtasan kabilang na ang paggamit ng forehead thermometers na susukat kung may lagnat ang concert goer, paglalagay ng mga hand sanitizer sa mga estratehikong lugar, pagpapanatili ng kalinisan sa lahat ng sulok partikular sa mga comfort room, wastong pagtatapon ng basura at pagkakaloob ng face mask na ipasusuot sa mga concert goer.
Dumalo sa naturang pagpupulong ang mga opisyal ng city health office at iba pang department heads, kinatawan ng Bureau of Fire Protection, Philippine National Police, promoters at organizers ng Seventeen K-Pop, Running Man (A Decade of Laughter), Pulp Live, Acer Predator League, 98 Degrees at Tzu Chi Foundation.
Bukas magdaraos ng concert sa Mall of Asia (MOA) Arena ang Seventeen K-Pop habang sa Linggo naman ang Running man.
Sa Pebrero 25, magdaraos naman ng concert ang 98 Degrees habang hindi na nabanggit ang ang iskedyul ng iba pang performers.
Ayon pa kay Mayor Calixto-Rubiano, isang travel destination ang kanilang lungsod na madalas pagdausan ng mga malalaking lokal at international na konsiyerto, stage acts, convention at iba pa na dinadaluhan ng libo-libo katao kaya’t nararapat lamang na gumawa sila ng hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga dadalo rito.
Sinabi naman ng mga organizer sakaling may mga made-detect sila na may lagnat ang isang manonood, hindi na ito papasukin pero ire-refund ang kanyang binayad na ticket. (Armida Rico)